Lumabas sa katatapos lang na pulong ng Municipal Renewable Energy Council na pinamumunuan ni Mayor Carlo Eleazar, Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Danny Liwanag at Quezon Energy Farms Incorporated na posible nang masimulan ang proyektong naglalayong makapagtayo ng kauna-unahang Biomass (green energy) power plant sa Tagkawayan. Una ito sa walong (8) planta na nakatakdang itayo ng grupo sa Quezon.

Ito’y matapos kompirmahin ng mga pinuno ng Tagkawayan Renewable Power Corporation na nasa huling “stages” na ng mga rekisitos ang kanilang kompanya at mga hakbang para sa pagsasakatuparan ng nasabing proyekto.

Isang 10MW capacity na planta na malapit sa substation ng Quezelco I ang naka “proposed” na gawin na anilay magbibigay ng stable na suplay ng kuryente kahit sa panahon ng kalamidad kung saan madalas bumabagsak ang mga linya ng National Grid.

Ayon pa kay Engr. Danilo Manayaga, Project Director, magbibigay trabaho rin ito sa mga mamamayan dahil sa pasisimulan na ang pag-proseso ng mga lupain na bahagi ng 4,000 ektaryang pataniman ng Napier Grass na siyang gagamitin sa “biomass gasification” na magpapatakbo ng planta. Maliban sa napier gas, maaari ding gamitin dito ang mga bunot ng niyog, dayami at iba pang organikong materyales sa mga bukid na maaaring bilhin sa mga magsasaka.

Una nang na-identify ang mga bakanteng lupa sa SANMANDELCAR area para sa unang bahagi ng pagtatanim ng Napier sa susunod na mga linggo.

Ang Biomass technology ay itinuturing na Green Energy sapagkat hindi ito nagsusunog ng anumang materyales at sahalip ay kinokolekta ang mga enerhiyang (solar energy) na nakolekta ng halaman o hayop sa natural na paraan at pinoproseso upang maging bioenergy. Ang mga tirang materyales naman na napagkunan ng enerhiya ay maaaring gamitin para maging pataba sa lupa.

Humiling si Mayor Eleazar ng “Authority to Transact” na ipinagkaloob ng Sangguniang Bayan upang mapabilis ang pagtugon sa mga kinakailangang rekisitos sa nasabing proyekto.

Share this: