APAT (4) NA PRIORITY LEGISLATION HINILING NI MAYOR ELEAZAR SA SB

Tagkawayan, Quezon—Dumalo sa Sesyon ng Sangguniang Bayan si Mayor Carlo Eleazar, January 11, 2021, ito’y upang ipakiusap ang mabilis na pagpasa sa kaniyang tinukoy na mga “priority legislation”.

Kabilang dito ang Market Ordinance na aniya’y matagal nang nabinbin, nitong araw din ay iprinesenta ng technical working group sa pangunguna ng MPDC Office at Trade and Commerce Committee ng Sangguniang Bayan ang draft ng nasabing ordinansa na inaasahang magdaragdag ng kita lalo na mula sa bagong bahagi ng palengke.

Kasama rin sa mga hiniling niyang mai-prayoridad ay ang Traffic Ordinance na ayon kay Mayor Eleazar ay makakatulong rin sa pagtupad sa Road Clearing Operations na minamandato ng Department of the Interior and Local Government. Karaniwang laman ng mga Municipal/City Traffic Management Code ang pamamahala sa mga kalsada maging National/Local at sa lahat ng mga behikulo na nagdaraan dito maging sa mga parking zones at terminal ng mga pampublikong sasakyan.

Isinulong rin niya ang pag-update ng Local Revenue Code na tinatayang nasa 15 taon nang hindi naa-update at ganun din ang Business Incentive Code.
Ito’y sa harap ng napipintong pagpasok ng ilang mga negosyo sa Bayan ng Tagkawayan tulad ng Sabukid Dagat na kasama sa itatayong negosyo ay ang satellite-based communication infrastructure .Binigyang diin ng Alkalde na mas magiging kaiga-igaya sa mga mamumuhunan kung malinaw ang kasalukuyang Business Incentives ng Munisipyo.

Kaugnay nito, hiniling niya ang pagkakaisa ng Executive at Legislative Branch ng Pamahalaang Lokal ng Tagkawayan, Quezon.

“Ito po’y paki-usap lamang Asikasuhin muna natin iyong apat (priority legislation) at alisin ang balakid na maaaring makaka-apekto sa maayos at mabilis na pag-sasagawa ng mga ordinansa na tunay na kinakailangan ng ating bayan at mas makakatulong sa ating mamamayan.—bahagi ng mensahe ni Mayor Carlo Eleazar

Nagpahayag naman ng suporta ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa mga hiniling na ordinansang maisaprayoridad ng Konseho.

Share this: