Matagumpay na nairaos kahapon, Marso 31, 2022 ang 2-Day Tourism Awareness Seminar and Orientation on DOT Accreditation (Batch 1)na dinaluhan ng iba’t ibang tourism stakeholders sa ating bayan partikular ang mga accommodation establishment owners/managers, tourism enterprises, punong barangay at barangay kagawad ng Metro Barangays at mga barangay na mayroon tukoy na tourist destinations sa ating bayan.

Ayon kay Mayor Carlo Eleazar, napakahalaga ng ganitong gampanin sa pagpapaunlad at pagyabong ng turismo ng ating bayan sapagkat mas mapapalalim nito ang ating kaalaman sa kultura, tradisyon, kasaysayan at mga yamang-likas na taglay ng ating bayan. Gayundin, aniya pa, sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng collaboration ang lokal na pamahalaan at mga stakeholders sa ating komunidad upang mas mapaangat ang industriya ng turismo ng Tagkawayan, mas makilala tayo bilang isang bayan na nagsusulong ng sustainable tourism development na ang dulot na pag-unlad ay hindi lamang pakikinabangan ng mga mamamayan sa kasalukuyan kundi maging ng mga susunod pang henerasyon ng bayan ng Tagkawayan.

Naging panauhin at tagapagsalita ng nasabing 2-Day Seminar sina Mr. Alberto Bay Jr, Acting Provincial Tourism Office Head, Ms. Glaisa Torcelino, Mr. Redentor Saliendra Jr, Mr. James Salas, Ms. Clare Acosta at Mr. Maik Neil Abarquez. Dumalo rin at nagbigay ng makabuluhang mensahe sina Kons. Choy Eleazar, SB Chairman ng Committee on Tourism, Arts & Culture at si Mr. Ernie Herras, Pangulo ng Kaway Tagkawayan Municipal Tourism Council.

Bago magtapos ang aktibidades, sinabi ni Mr. Bay na handa ang Provincial Tourism Office na maglaan ng paggabay, mga ideya at pamamaraan sapagkat naramdaman nila ang 100% suporta ng administrasyon at ng LGU gayundin ang kooperasyon ng mga stakeholders sa mga gampanin at layunin sa pag-angat ng industriya ng turismo sa Tagkawayan. Dagdag pa nya, dalangin nya na madagdagan pa ang mga DOT Accredited establishments and accommodation sa bayan ng Tagkawayan sa mga susunod na buwan.

Ayon kay Mrs. Anna Villanueva, Tourism Officer-Designate, ang Tourism Awareness Seminar na ito ay Batch 1 lamang at masusundan pa sa 2nd Quarter ng taon, bukod pa ang pinaplanong Benchmarking Tour ng mga naging participants ng naturang seminar. Nakaplano rin, ‘ika pa nya, ang Agri-Tourism Seminar and Workshop na dadaluhan ng iba’t ibang stakeholders na interesado sa pagpapalago ng turismo-agrikutura sa ating bayan.

Nagtapos kahapon ang seminar na may 50 partisipantes na nabigyan ng sertipiko at pagkilala.

Share this: